Madami na akong nadinig na boses. ‘Yung iba ay nakatulong sa aking pagkatao at ‘yung iba naman ay nakasira. Ngunit mayroong isang boses na tinandaan ko at dinala hanggang sa kasalukuyan. Hindi ito pangkaraniwan at plakado katulad ng iba. Plakado dahil kinokopya lang nila ang nasabi na ng ibang tao. Ang naibahagi na kahapon at inulit na lamang ngayon.
Hindi ko nakikita kung kanino nanggagaling ang boses na bago sa aking pandinig ngunit sa bawat bigkas ng salita nito, nararamdaman ko ang dinanas ng pinanggagalingan ng boses na iyon. Tila ang bawat salita ay nagiging realidad, nagkakaroon ng halaga at hindi lamang sumasama sa hangin at tinatangay ng iba pang mga boses.
Ito ay konkreto at may paninindigan na animo’y siguradong sigurado ang tagapagsalita sa kaniyang mga sinasabi. Walang halong takot at mayroong tapang na nasa lugar. Mabibigat ang mga salitang nabibitawan ngunit napapagaan dahil sa pagiging mapagpakumbaba ng tagapagsalita. Napagpasiyahan ko na hindi ito isang pangkaraniwang tagapagsalita, ito ay isang guro. Nasa eskuwelahan pala ako.
Isang linggo ang nakalipas at bumalik ako sa lugar kung saan ko nadinig ang boses na iyon. Nagsasalita nanaman siya. Gaya ng dati, naramdaman ko nanaman ang bawat ugong ng kaniyang boses. Ito ay nangungusap, nagbibigay ng pahiwatig na madami na siyang pinagdaanan at napatunayan. Ngunit sa likod ng mga ito, nadidinig ko din sa kaniyang boses ang kasiyahan niya sa kaniyang ginagawa kahit na nakakadinig ako ng hudyat ng pagkapagod at lumot sa kaniyang boses. Naalarma ako at pinagdasal na huwag mangyari ang aking kinatatakutan.
Tumapat ako ulit sa silid na ito isang Lunes, kagaya ng aking laging ginagawa. Tahimik ang lahat at mayroon akong nadinig na isang mahinang hikbi. “Wala na si Sir Dino.” Sabi ng isang boses. Sinundan ito ng mahihinang iyakan na unti-unting lumalakas. Madami na akong nadinig na iyakan, ngunit sa lahat ng iyon, ito ang hindi ko kayang pakinggan. Maihahalintulad ko ito sa pag iyak ng isang pamilya para sa kanilang yumaon na ama, pag iyak ng isang kaibigan para sa kaniyang matalik na kaibigan, pag iyak ng mga bata na hindi alam ang kanilang gagawin ngayong wala na ang kanilang ama. Ngunit higit sa lahat, nadinig ko ang pag iyak na galing sa puso at hindi lamang bugso ng emosyon. Dali-dali akong umalis.
Ang boses na nangingibabaw sa iba, hindi dahil sa lakas nito kundi dahil sa nilalaman nito. Ang boses na nagbibigay kaalaman na hindi galing sa nasabi na kundi sa sariling karanasan. Ang boses na buong pusong nagbahagi ng kaniyang personal na buhay para sa iba. Ang boses na walang tinatago at nagsasabi ng totoo. Ang boses na nakapagbigay inspirasyon, imahinasyon, at gabay sa mga nangangarap. Ang boses na dahilan kung bakit ako nakakapagsulat ngayon ay wala na. Hindi ko na kailanman madidinig, kahit alam kong hindi pa tapos ang kaniyang mga dapat sabihin. Ngunit alam ko na ang boses din na ‘yon ay patuloy na aalingawngaw sa aking tenga dahil ang bawat pantig ay mayroong halaga, mayroong naisasalba.
Sa loob ng isang araw, madaming boses ang ating madidinig. Iba’t ibang emosyon, iba’t ibang pinanggagalingan. Dadating ang gabi at tayo ay magkukulong sa ating mga silid at pagiisipan natin ang lahat ng nadinig natin sa buong araw. Nadinig ko na ang boses na aking dadalhin sa kinabukasan at sa susunod na mga araw pa. Maaaring wala na ang pinanggagalingan ng boses na ito, ngunit dahil isa siyang tunay na guro, patuloy akong maghihintay sa labas ng pinagturuan niyang silid aralan. Dahil alam kong kapag panahon na upang lumabas ang kaniyang mga estudyante, sila ang magpapatuloy ng kaniyang naiwan.